Ipinaliwanag ni International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Atty. Kristina Conti ang mga posibleng susunod na proseso matapos maaresto si dating pangulong Rodrigo Duterte, sa bisa ng warrant of arrest ngayong umaga ng Martes, Marso 11.
Sa panayam ng Teleradyo Serbisyo ngayong Martes din, matagal umanong proseso ang imbestigasyon at pagdinig ng dating pangulo na maaaring umabot ng ilang taon. Kakaiba raw ang sitwasyon dahil sa kauna-unahang pagkakataon, kailangan daw ang transfer of custody dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas simula pa noong 2018.
Dahil hindi raw member state ang Pilipinas, hiling daw ng kampo nina Conti na ilipat na lamang ang custody ni Duterte sa isang member state, para iyon na ang sumunod sa protocol ng korte.
Nang matanong ang abogado kung naaayon ba ito sa "Rome statute" ng ICC, "Ah, hindi ko masabing naaayon dahil wala rin naman sa provisions ng Rome statute ang patungkol sa nag-withdraw na. Bagong-bago 'to eh... hindi tayo member, first time 'to, sa totoo, ang Rome statute ay instruksyon para sa member state..."
Nang matanong naman ulit ang abogado kung may naiisip na silang member state na puwedeng irekomendang paglipatan sa custody ni Pangulong Duterte, sagot ng abogado, "Wala sa amin 'yong ganoong choice. Palagay ko hindi kami ang puwedeng makapagpasiya diyan. Hindi naman kami ang mag-eenforce ng warrant o mag-aayos ng custody. Maraming security considerations, diplomatic considerations 'yan, kaya siguro maaaring ipaubaya sa Philippine government at sa kaugnayan niya, at kami ay tutugon sa kung anuman ang ginawa nila, nakaabang, nakabantay, kung anuman ang gagawin..."
Bago ang pahayag na ito, sa pamamagitan ng kaniyang X post ay sinabi rin ni Conti, na drug war victims lawyer, kung ano ang dapat na hakbang sa isang indibidwal na inaresto ng ICC sa pamamagitan ng warrant of arrest.
MAKI-BALITA: ICC assistant to counsel, may pahayag tungkol sa dapat gawin sa taong inaresto ng ICC
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o opisyal na pahayag ang Malacañang kaugnay sa susunod na hakbang ng pag-aresto kay Duterte.