Ipinahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na tinanggal na sa kanilang trabaho ang tatlong airport personnel na inireklamo ng isang 69-anyos na babaeng pasahero, matapos silang harangin ng kaniyang mga kasama para halughugin ang kaniyang bagahe, dahil umano sa natagpuang basyo ng bala ng baril.
Matatandaang nag-viral ang Facebook post ni Ruth Adel matapos niyang isalaysay ang insidente ng pagharang sa kanila ng tatlong airport personnel upang hanapin ang umano'y basyo ng bala sa kaniyang bag, subalit wala raw silang natagpuan. Naganap ang insidente sa NAIA Terminal 3 noong Marso 6, kung saan, patungo sila ng kaniyang anak sa Vietnam.
Ang hindi pa raw nagustuhan ng ginang, nagtatawanan pa raw ang nabanggit na airport personnel na tila walang nangyari.
"Sa totoo lang, ngaun lang ako nakaramdam ng sobrang pangmamaliit saakin.. 69 years old na ako, kung ano mangyari saakin ay di naman nila ako sasagutin. Grabe ang nerbyos ko sa pangyayari at tumaas ang presyon ko. Hanggang ngayon ay napapanaginipan ko parin ang mga pangyayari sa akin," mababasa sa viral post ni Ruth.
"ang buong akala ko nagbago na ang systema dito. gusto ko mabigyan ng aksyon ito at ayaw ko ng may mabiktima pa silang iba. Ni hindi humingi ng paumanhin sa abala at perwisyo na binigay nila sa akin. Kapag hindi sila naturuan ng leksyon, patuloy ng mambibiktima itong mga opisyales na ito," aniya pa.
Ayon pa sa mga ulat, tutulungan daw ng DOTr si Abel para makapagsampa ng kaso laban sa mga inireklamong airport personnel.
KAUGNAY NA BALITA: 69-anyos na babaeng pasahero, nakaranas umano ng 'laglag-bala' sa airport