Ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Lunes, Marso 10, na hindi pa makukumpirma ng Malacañang kung may arrest warrant na ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil wala pa raw silang natatanggap na kopya nito.
Sa isang press briefing, sinabi ni Castro na wala pa raw silang natatanggap na anumang komunikasyon patungkol sa red notice hinggil sa ICC.
Ani Castro, tinitingnan na raw ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang mga record hinggil sa warrant of arrest kay Duterte.
“As of now, sabi nga natin, hindi po namin maiko-confirm agad-agad kung wala pa po kaming physical copy ng warrant of arrest,” saad ni Castro.
“Ang sabi po kasi ng DOJ, since hindi po tayo miyembro ngayon ng ICC, may mga option po kasi ang ICC kung paano nila ito ipapa-serve. Kung nagkataon po kasi tayong miyembro, pwede po itong ipadaan sa opisina ng Pangulo o kaya sa DOJ o sa DFA (Department of Foreign Affairs). Pero maaari pa rin po tayong ituring ng ICC bilang miyembro at maaaring gawin yung binanggit ko ng mga procedure.
“Pero nasa kanila po ito kung ito ay ipapadaan nila mismo doon sa bansa kung nasaan yung taong kanilang gustong i-serve ng warrant of arrest,” saad pa niya.
Sinabi rin ni Castro na agad naman daw na ipapakita ng Malacanang sa media at publiko ang kopya ng arrest warrant kung makatanggap man ito mula sa ICC.
“As of the moment, wala pa tayong nakukuhang official communication. Pero kung
meron na tayong official copy, ipapakita po agad namin sa inyo,” saad ni Castro.
Kasalukuyang usap-usapan ang tungkol sa pag-isyu raw ng arrest warrant kay Duterte ng ICC na patuloy na nag-iimbestiga sa umano’y paglabag sa karapatang pantao ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Kaugnay nito, nitong Linggo, Marso 9, nang magbigay ng reaksiyon ang dating pangulo sa naturang umano’y arrest warrant na nabalitaan din daw niya.
MAKI-BALITA: FPRRD, nabalitaan umano’y arrest warrant ng ICC: ‘Matagal na’kong hinahabol ng mga put****ina!
Matatandaang noong Hunyo 2024 nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang noong Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno