Ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na walang kumpirmasyon mula sa Malacañang hinggil sa umano’y pag-isyu ng International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang pahayag nitong Linggo, Marso 9, sinabi rin ni Castro na tulad daw ng nakaraang pahayag nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Justice Secretary Jesus Crispin Remulla,
obligado umano ang pamahalaang sumunod kung hihingi ang Interpol ng kinakailangang assistance.
"No confirmation of Issuance of warrant of arrest from the Palace," ani Castro.
"But as what ES Bersmin and DOJ said before, if Interpol will ask the necessary assistance from the government, it is obliged to follow," dagdag pa niya.
Samantala, sinabi rin ng PCO undersecretary sa isang panayam ng TeleRadyo Serbisyo na kung talagang may ilalabas daw na arrest warrant laban sa dating pangulo, maglalabas umano ng hold departure laban sa kaniya.
Matatandaan namang nauna nang mapaulat na nagpunta si FPRRD sa Hong Kong nitong Linggo upang dumalo raw sa campaign sortie ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
MAKI-BALITA: FPRRD, VP Sara, nagpunta raw sa Hong Kong para sa PDP sortie
Iniimbestigahan ng ICC si FPRRD dahil sa paglabag umano sa karapatang pantao ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon nito.
Kaugnay nito, matatandaang noong Hunyo 2024 nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni FPRRD, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang noong Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno