Ibinahagi ni House Speaker Martin Romualdez ang kaniyang mensahe at pananaw patungkol sa lumalalang maritime tensions hinggil sa West Philippine Sea kontra China, gayundin ang disinformation na bahagi ng China ang Palawan.
Sinabi ito ni Romualdez matapos ma-promote bilang Auxiliary Vice Admiral ng Philippine Coast Guard Auxiliary (PCGA), na mababasa sa kaniyang opisyal na Facebook page.
"Hindi na ito panahon para magsawalang-kibo. Araw-araw, sinusubukan ng ibang bansa na angkinin ang ating karagatan. Kung tayo mismo ay hindi kikilos, sino pa ang magtatanggol sa atin?” ani Romualdez.
Kinondena rin ng House Speaker ang ginawang harassment sa mga Pilipino ng Chinese militia vessels, na magde-deliver lamang ng supplies para sa BRP Sierra Madre sa Second Thomas Shoal.
“Walang bansang may karapatang mangharang ng ating mga sundalo, mangingisda, at kababayan sa sarili nating dagat. Hindi natin ito ipagpapalit sa takot o sa bulong ng iba. Ang West Philippine Sea ay atin—hindi lang sa papel, kundi sa tunay na buhay,” aniya.
Bahagi pa ng kaniyang pahayag patungkol sa West PH sea, "Ang laban sa West Philippine Sea ay hindi lang laban ng gobyerno. Laban ito ng buong sambayanan. At kung gusto natin ng mga lider na ipaglalaban ang ating karapatan, tayo mismo ang dapat manguna."
"Huwag tayong magpalinlang. Hindi lang sa dagat ginaganap ang laban para sa ating soberanya, kundi pati na rin sa ating isipan. Lahat tayo ay may tungkuling ipaglaban ang katotohanan at ang ating karapatan,” dagdag pa.
Hinikayat din ni Romualdez ang mga Pilipino na makilahok sa PCGA.
"Kung hindi tayo kikilos ngayon, kailan pa? Hindi tayo dapat maghintay ng panibagong insidente, panibagong pambabastos, panibagong banta bago tayo gumalaw,” aniya.
“Ngayon ang panahon. Ngayon ang laban. Ang ating karagatan ay bahagi ng ating buhay, ng ating pagka-Pilipino, at nasa ating kamay ang tungkuling ipagtanggol ito," dagdag pa.