March 10, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Ivana, binarag hula tungkol sa mamamatay na artistang vlogger dahil sa cancer

Ivana, binarag hula tungkol sa mamamatay na artistang vlogger dahil sa cancer
Photo courtesy: Ivana Alawi (IG)

Tila binasag ng actress-vlogger na si Ivana Alawi ang tungkol sa kumalat na hulang isang aktres na aktibo rin sa vlogging ang mamamatay dahil sa isang malubhang sakit.

Matatandaang noong Enero, sa pagpasok ng 2025, naging usap-usapan ng mga netizen ang isa sa mga hula ng kilalang psychic na si "Rudy Baldwin" kung saan sinabi niyang isang batang aktres daw ang magagahasa at isang vlogger daw na magkakaroon ng sakit ang mamamatay ngayong 2025.

Sinabi ito ni Rudy sa panayam sa kaniya ng batikang broadcast-journalist na si Korina Sanchez-Roxas sa magazine show na "Rated Korina," patungkol sa kaniyang mga prediksyon para sa 2025.

Isang batang aktres daw ang mapagsasamantalahan, na kamakailan lamang ay naisyu daw sa "cheating."

Tsika at Intriga

Barbie, ibinida pics nila ni FL Liza: 'Thank you Madam for inviting me!'

"Ang pangalan niya, nag-start sa letter M," sey pa ni Rudy.

Sunod naman, ang pagpanaw daw ng vlogger dahil sa kanser.

Ang vlogger na ito, na isang artista rin at inilarawan niyang maganda at sexy na may kapatid na babae at isang lalaki, at ibang lahi pa raw ang tatay nito.

Nagkaroon na raw ang nabanggit na vlogger ng issue sa kaniyang kalusugan subalit nalagpasan lamang.

"Bigla siyang nag-shut down," saad pa ni Rudy.

Bagama't walang tinukoy o binanggit na pangalan, ang espekulasyon ng mga netizen, ang tinutukoy raw na artistang vlogger na ito ay baka nga raw si Ivana.

Sa ginanap na mediacon kamakailan na dinaluhan ni Ivana, tiniyak niya ang lahat na maayos na ang lagay ng kaniyang kalusugan matapos maospital noong 2024.

KAUGNAY NA BALITA: ‘It’s really my second life!’ Ivana Alawi halos agaw-buhay sa ospital

Aminado si Ivana na nagkatrangkaso siya dahil sa sunod-sunod na trabaho, subalit iyon pa lang naman daw ang maituturing niyang health concern.

"Walang katotohanan na magka-cancer ako, hindi 'yon true. Huwag kayong mag-alala, wala kami no'n sa lahi," ani Ivana.

Nang tanungin ng isa pang reporter kung kumalat ba ang nabanggit na hula, "Oo, 'yong mama ko nga nag-alala ro'n, tapos inaano niya, sabi ko 'Mama kalma, wala tayo niyan, walang nangyayari sa atin, and wala namang makakapag-predict kung kailan ka mawawala, and that is not something you should be scared of kasi lahat naman tayo darating do'n. Ang nakakaalam lang ay ang Diyos," paliwanag niya.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Rudy tungkol dito.

KAUGNAY NA BALITA: Rape sa isang batang aktres, vlogger mamamatay sa kanser hula ni Rudy Baldwin