March 10, 2025

Home BALITA National

FPRRD, nabalitaan umano’y arrest warrant ng ICC: ‘Matagal na’kong hinahabol ng mga put****ina!

FPRRD, nabalitaan umano’y arrest warrant ng ICC: ‘Matagal na’kong hinahabol ng mga put****ina!
Dating Pangulong Rodrigo Duterte (Photo courtesy: SMNI/YouTube screengrab)

Inamin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nabalitaan umano niya ang tungkol sa umano’y warrant of arrest na inilabas ng International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.

Sinabi ito ni Duterte sa kanilang “Pasasalamat kay PRRD” event na ginanap sa Wan Cai, Hong Kong nitong Linggo, Marso 9.

“Ang balita ko, may warrant daw ako. Totoo. Sa ICC or something. Matagal na akong hinahabol ng mga pu****ina,” ani Duterte.

“Ano naman ang kasalanan ko? Ginawa ko naman ang lahat sa panahon ko para may kaunting katahimikan at mapayapa ang buhay ng Pilipino,” dagdag niya.

National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

Kasalukuyang usap-usapan ang tungkol sa pag-isyu raw ng arrest warrant kay Duterte ng ICC na patuloy na nag-iimbestiga sa umano’y paglabag sa karapatang pantao ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

Sinabi naman ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nito ring Linggo na walang kumpirmasyon mula sa Malacañang hinggil sa naturang arrest warrant.

MAKI-BALITA: Malacañang, walang kumpirmasyon sa umano’y arrest warrant ng ICC vs FPRRD

Samantala, iginiit ng dating pangulo na kung totoo man umanong nagkaroon ng mga paglabag sa karapatang pantao at pagpatay nang ipatupad ang drug war sa bansa, ginawa naman daw niya ito hindi para sa kaniyang sarili o sa kaniyang pamilya.

“Oh ganito na lang, ito ganito na lang. Assuming na totoo, totoo talaga yung naririnig ninyo, bakit ko ginawa ‘yan? Para sa sarili ko? Para sa pamilya ko? Para sa inyo at ang inyong mga anak sa ating bayan,” giit niya.

Binanggit din ni Duterte na hindi umano matatahimik ang bansa kung palaging nagkakaroon ng mga krimen tulad ng tinawag niyang: “hold up dito, hold up doon.”

“Tayong mga ayaw ng gulo, napipilitan tayo to confront evil because nandiyan sa harap natin. Sino ba namang gustong pumatay? Put****inang 'yan. Bakit ako mag—Why would I waste my time?” saad niya.

Matatandaang noong Hunyo 2024 nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang noong Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.

MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno