Matapos mabalitaan ang umano’y arrest warrant laban sa kaniya ng International Criminal Court (ICC), muling iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi umano niya gustong “pumatay” at isinagawa lamang ng kaniyang administrasyon ang madugong giyera kontra droga para sa mga Pilipino.
Sa kanilang “Pasasalamat kay PRRD” event na ginanap sa Wan Cai, Hong Kong nitong Linggo, Marso 9, inamin ni Duterte na nabalitaan niya ang tungkol sa umano’y warrant of arrest na inilabas ng ICC.
“Ang balita ko, may warrant daw ako. Totoo. Sa ICC or something. Matagal na akong hinahabol ng mga put****ina,” aniya.
MAKI-BALITA: FPRRD, nabalitaan umano’y arrest warrant ng ICC: ‘Matagal na’kong hinahabol ng mga put****ina!
Kaugnay nito, iginiit ng dating pangulo na ginawa lamang niya ang pagpapatupad ng war on drugs para sa “bayan.”
“Oh ganito na lang, ito ganito na lang. Assuming na totoo, totoo talaga yung naririnig ninyo, bakit ko ginawa ‘yan? Para sa sarili ko? Para sa pamilya ko? Para sa inyo at ang inyong mga anak sa ating bayan,” giit niya.
“Tayong mga ayaw ng gulo, napipilitan tayo to confront evil because nandiyan sa harap natin. Sino ba namang gustong pumatay? Put****inang 'yan. Bakit ako mag—Why would I waste my time?” saad pa ng dating pangulo.
Kasalukuyang usap-usapan ang tungkol sa pag-isyu raw ng arrest warrant kay Duterte ng ICC, na patuloy na nag-iimbestiga sa umano’y paglabag sa karapatang pantao ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Samantala, nauna nang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro nito ring Linggo na walang kumpirmasyon mula sa Malacañang hinggil sa naturang arrest warrant.
MAKI-BALITA: Malacañang, walang kumpirmasyon sa umano’y arrest warrant ng ICC vs FPRRD
Matatandaang noong Hunyo 2024 nang ihayag ni human rights lawyer Chel Diokno na base sa 2017 year-end accomplishment report ng Office of the President (OP) sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, 20,322 drug suspects umano ang napatay sa giyera kontra droga sa bansa mula lamang noong Hulyo 2016 hanggang Nobyembre 2017.
MAKI-BALITA: 20,332 indibidwal, napatay sa ‘drug war’ ng Duterte admin – Diokno