March 09, 2025

Home BALITA National

69-anyos na babaeng pasahero, nakaranas umano ng 'laglag-bala' sa airport

69-anyos na babaeng pasahero, nakaranas umano ng 'laglag-bala' sa airport
Photo courtesy: Ruth Adel (FB)

Viral ang Facebook post ng isang 69 taong gulang na babaeng pasahero matapos niyang ibahagi ang naranasang panghaharang daw sa kaniya ng ilang security personnel ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Terminal 3, matapos daw makitaan ng basyo ng bala ng baril ang kaniyang dalang bagahe. 

Mababasa sa Facebook post ni Ruth Adel, Sabado, Marso 8, maaga pa lamang daw ay nasa NAIA Terminal 3 na sila ng kaniyang kasamang kaanak papuntang Vietnam, noong Huwebes, Marso 6. Salaysay niya, sa haba raw ng pila sa Immigration, halos abutan na sila ng boarding flight.

Nang matapos na sila, nagmamadali na silang nagtungo sa gate upang mag-boarding subalit biglang may lumapit daw sa kanilang isang babaeng security personnel para sabihing may nakita raw "anting anting" sa isa sa mga bagahe niya, habang inginunguso ang isang maleta niya.

"nakarating naman kami ng maaga sa inaasahan sa NAIA T3 kaso sa dami ng tao sa immigration, halos abutin na kami ng boarding ng flight namin andun pa din kami sa immigration," aniya.

National

FPRRD, iginiit na ipinatupad drug war para sa mga Pinoy: ‘Sino ba namang gustong pumatay?’

"nagtatakbo na kami para lang makaabot kami sa flight namin, ng makarating kami doon, biglang nag announce ang cebu pacific na nagsimula na ang boarding sa Boarding Group 1.. kami na nasa group 5 pa naman, hahabulin sana ang pagbili ng tubig, biglang may lumapit na babae galing sa security sa naia at nagsabing "maam excuse me po may nakita po kasi kaming anting anting sa bagahe nyo (nginunguso niya ung maleta ko)."

"Mabilis naman na sagot ko 'ano un, anong anting anting?' at ang sabi nya 'basyo' (patawa tawa pa). akala namin nag pranprank lang kasi napaka casual ng pagkasabi nya."

Saad daw niya sa sumitang security personnel, "Ang sabi ko sakanya wala akong alam sa basyo at kung gusto niya icheck na niya dun mismo kung asan kami (boarding gate) kasi paalis na at baka maiwan kami ng eroplano.. agad nyang sinabi na 'Maam kelangan po natin icheck dun, (may tinuturo siya sa malayo) kelangan nyo pong sumama samin.'"

Sa una raw ay nagmatigas sila dahil baka maiwanan na umano sila ng flight nila, subalit hindi pa rin sila hinayaang makapag-boarding hanggang sa dumating ang tinawag na supervisor. 

Sa pagkakataong ito, tila may mga bagay raw na hindi nagtutugma sa sinabi ng security personnel at sa dumating na supervisor.

"Hindi ako pumayag dahil nagstart na nga ang boarding ng flight namin. Sinabi ng anak ko kung may nakita kung ichecheck nyo, icheck nyo dito hindi na kami babalik dun sa haba ng tinakbo namin at senior ang nanay ko" sabi ng anak ko.. nag magmatigas kami, pilit nilang idinidelay ang pag-alis namin na kesyo tatawagin daw ang supervisor para malaman pano gagawin. sobrang tagal at 6 mins nalang aalis na ang eroplano.. halos mahimatay ako sa galit at nerbyos sa sinasabi nila at pagmamakaawa na ako na icheck na nila dun ang bag ko.. . pero pinilit pa din ipaantay ang supervisor.."

Sa pagpapatuloy, "Dumating ang supervisor, sabi nung unang kumausap sakin sa supervisor niya, 'maam dito po nila pinapacheck', (tinuturo niya maleta ko, ako naman bubuksan ko na). Sabay sabi ng supervisor 'hindi naman dyan eh, sa handbag po nakita'. Ang sagot ng isa "ay hindi ba dyan??"(tumatawa ung babae) Sabi ng supervisor 'oo.' Tas may pinapakita siyang picture ng xray ng bag. Bag ko raw yun. Sa pagkakaalam ko wala naman laman ang bag ko na mga susi gaya ng nasa picture na pinapakita nila sakin. Nagtataka na ako, bat hindi consistent ang sinasabi nila qt hindi nagtutugma."

"Pinakita namin sakanila ang laman ng bag at halos itaob na ng anak ko ang bag ko para lang mapakita na wala naman akong bitbit na contrabando o ano man ipinagbabawal na bitbitin. Sa totoo sa buong buhay ko,hindi pa ako nakakakita ng basyo ng bala na sinasabi nila.. sa pelikula lang. kaya napaka impossible," aniya pa.

Sa puntong ito raw, ay wala raw nakitang basyo ng bala sa kaniyang mga bagahe. Inilarawan din ng pasahero ang reaksiyon ng security personnel nang sabihin niyang "laglag-bala modus" ito at isusumbong niya kay "Sir Tulfo."

"Nang wala silang makita, bigla silang nagtalikudan dahil naka video sila," aniya.

"pilit nilang sinasabi na bawal mag video pero diba bawal din yang ginagawa nila. Bigla na lang silang nagatalikuran na para bang walang halaga ang nararamdaman ko at para bang hindi sila naka perwisyo ng tao. Tinatakpan nila mga name tag nila. Nakuhanan namin ng video na patawa tawa pa ng sinabi ko na isusumbong ko sila kay Sir Tulfo at alam kong laglag bala modus yang ginagawa nila."

Paliwanag pa ng pasahero, ngayon lamang daw siya nakaranas ng pangmamaliit sa isang insidenteng ganoon sa airport. Buong akala raw niya ay nagbago na ang sistema o ang dating isyu ng "tanim-bala" sa airport.

"Sa totoo lang, ngaun lang ako nakaramdam ng sobrang pangmamaliit saakin.. 69 years old na ako, kung ano mangyari saakin ay di naman nila ako sasagutin. Grabe ang nerbyos ko sa pangyayari at tumaas ang presyon ko. Hanggang ngayon ay napapanaginipan ko parin ang mga pangyayari sa akin."

"ang buong akala ko nagbago na ang systema dito. gusto ko mabigyan ng aksyon ito at ayaw ko ng may mabiktima pa silang iba. Ni hindi humingi ng paumanhin sa abala at perwisyo na binigay nila sa akin. Kapag hindi sila naturuan ng leksyon, patuloy ng mambibiktima itong mga opisyales na ito."

"pls share po para na din sa awareness satin lahat," aniya pa.

Nagpasalamat naman ang pasahero sa staff at crew ng airlines na kanilang sinakyan dahil hindi umano sila pinabayaan hanggang sa makarating sila sa kanilang destinasyon. 

Kalakip ng viral Facebook post ang ilang mga kuhang video ng paghahalughog sa kaniyang bag, batay na rin sa kaniyang salaysay sa nasabing post. 

Samantala, nakipag-ugnayan ang Balita sa pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa pamamagitan ng email, at narito ang kanilang inisyal na tugon o pahayag:

"Thank you for bringing this matter to our attention," anila.

"We will escalate this incident to the Office for Transportation Security for their appropriate and proper action."

"Again, we apologize for the inconvenience this may have caused."

"Thank you for your patience and understanding as we work to resolve this matter."