Masayang-masayang ibinida ng paresan owner, social media personality, at 4th nominee ng "Vendors partylist" na si Diwata ang pagsadya raw sa kaniyang paresan ng reelectionist na si Sen. Bong Go at TV host-senatorial aspirant na si Willie Revillame kamakailan.
Mapapanood sa Facebook reel ni Diwata ang pagkain ng pananghalian nina Willie at Sen. Bong sa paresan niya, Biyernes, Marso 7.
"Kuya Wil at Sen. Bong Go, kumain sa paresan ko! " mababasa sa caption ng reel.
Ipinasilip naman ni Diwata sina Willie at Sen. Bong habang kumakain.
Nabanggit pa ni Willie na hindi raw niya alam na paresan pala ni Diwata ang kinainan nila. 2010 pa raw nang una niyang maka-engkwentro si Diwata.
Saad pa ni Willie, balang araw daw, sana ay makasama ni Willie sina Diwata, Donita Nose, Super Tekla, at Hipon o Herlene Budol na naging matatagumpay na ngayon sa showbiz industry matapos daw ma-discover sa dati niyang shows.