Hiwalay na ang Thai couple at record holder ng "world's longest kiss" na sina Ekkachai at Laksana Tiranarat.
Ayon sa ulat ng ilang international media outlets, kinumpirma ni Ekkachai kamakailan sa isang podcast ang hiwalayan nilang mag-asawa.
Matatandaang minsan nang gumawa ng ingay ang mag-asawa matapos ang kanilang world record nang maitala ng Guinness World Records ang tinatayang 58 hours, 35 minutes at 58 seconds na paghalik nila sa isa’t isa noong 2013.
Habang noong taong 2011 naman nang una nilang masungkit ang titulo, kung saan nanatiling magkahalik ang labi ng dalawa sa loob ng 46 hours at 24 minutes.
Samantala, hindi naman inilahad ni Ekkachai ang rason ng kanilang hiwalayan, bagama't iginiit niya na nananatili aniya ang respeto nila para sa isa't isa.
Matapos ang 15 taon, tuluyan namang inalis ng Guinness ang longest kiss bunsod umano ng banta nito sa kalusugan ng mga kalahok.