Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa kalagayan ngayon ng komedyanteng si Philip Supnet o mas nakilala bilang "Kuhol" lalo na kung saan siya tumutuloy.
Sa pagtatampok kasi ni Julius sa kaniyang vlog na "Julius Babao Unplugged," isinalaysay ni Kuhol na kasalukuyan siyang naninirahan sa isang pedicab na pansamantalang ibinigay ng mga opisyal ng barangay sa kaniya, at nairaraos niya ang pagkain sa araw-araw sa pamamagitan ng bigay ng mga nagmamalasakit na kapitbahay.
Salaysay ni Kuhol kay Julius, pinalayas siya sa bahay ng kaniyang kapatid sa Quezon City matapos siyang ireklamo ng manugang nito ng pambubugbog sa kaniya.
"Parang pulubi na namamalimos," anang Kuhol, nang matanong sa kaniyang kalagayan.
Bilang tulong, minarapat ni Julius na ipatuloy muna si Kuhol sa isang maliit na kuwartong matutuluyan para makaiwas sa sakit at panganib, hangga't hindi pa niya naaayos ang mga problema sa kaniyang pamilya, sa ulat na rin ng Frontline Pilipinas.
Bukod dito ay nagbigay rin ng appliances si Julius upang maging maayos ang kaniyang paninirahan.
Si Kuhol ay nakilala nilang sidekick na komedyante noong 90s, kagaya na lamang ng pelikulang "Mongolian Barbecue" kasama si Mr. Shooli.