Tatlong weather systems ang patuloy na nakaaapekto sa bansa ngayong Sabado, Marso 8, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang weather system na shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Caraga at Palawan.
Malaki rin ang tsansang magdudulot ang ikalawang weather system na easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Inaasahan namang magdadala ang northeast monsoon o amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes at Babuyan Islands.
Pinag-iingat ang mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Cagayan Valley. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng easterlies.
Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).