Nagsalpukan sa ere ang dalawang navy jets ng United States (US) sa gitna ng final day ng Gunfighter Skies air show noong Linggo, Mayo 18, 2026.
Ayon sa mga lumabas na ulat mula sa international news media outlet, partikular sa The Associated Press (AP) nitong Lunes (araw sa Pilipinas), Mayo 18, 2026, sinabi nilang naganap ang naturang salpukan ng mga navy jets sa Mountain Home Air Force Base sa Boise, Idaho, US.
Ligtas naman umanong naka-eject ang apat na pilotong lulan ng nagsalpukang mga panghimpapawid na sasakyan.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Mountain Home Air Force Base Gunfighters sa kanilang Facebook page nito ring Lunes, sinabi nilang nasa stable na kondisyon na ang apat na pilotong umeskapo sa mga navy jets bago ito tuluyang bumagsak sa lupa.
Pinasalamatan din nila ang ipinakita umanong pakikisimpatya ng mga manonood na nakasaksi sa naturang insidente dahilan daw para mas mabilis silang rumesponde sa mga piloto.
“The aircrew involved in the incident are in stable condition. Thank you to all our guests for your patience and compassion, which has allowed us to quickly and safely respond to the incident,” anila.
Photo courtesy: Mountain Home Air Force Base Gunfighters (FB)
Sa kasalukuyan, kalat na sa social media ang mga video ng naging salpukan ng dalawang navy jets at mapapanood rin sa mga ito ang pagbuka ng apat na parachute mula sa mga umeskapong piloto bilang tanda ng kanilang pagiging ligtas.
Agad naman daw sumailalim sa lockdown ang naturang Air Force Base nang maganap ang insidente at kinansela ang mga kasunod pang air show.
Sumasailalim na sa imbestigasyon ang naturang insidente at tila magiging madali naman daw ang pagtukoy sa naging sanhi nito dahil ligtas na nakababa ang mga piloto ng nagsalpukang mga panghimpapawid na sasakyan.