Tahasang iginiit ni newly promoted Auxiliary Vice Admiral at House Speaker Martin Romualdez na hindi umano magpapatalo ang bansa laban sa mga nang-aangkin ng teritoryo nito.
Sa kaniyang talumpati matapos umakyat ang ranggo niya sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Huwebes, Marso 6, 2025, iginiit ni Romualdez ang matapang niyang tindig sa isyu ng West Philippine Sea.
“Hindi tayo papayag na maging dehado sa sarili nating dagat. Hindi tayo magpapatalo sa sariling teritoryo,” ani Romualdez.
Dagdag pa niya, “The West Philippine Sea is not just a political issue; it is a national cause, a matter of survival, dignity, and sovereignty.”
Promoted si Romualdez bilang Auxiliary Vice Admiral mula sa kaniyang ranggong Auxiliary Commodore. Kaugnay nito, iginiit din niya ang kaniyang pakikiisa umano sa misyon ng PCG.
“Isa lang po ang tinitiyak ko sa inyo. Kasama ninyo ako sa laban na ito. Hindi lang sa salita, kundi sa gawa,” anang House Speaker.
Binigyang pugay din niya ang ginagawang pagbabantay ng PCG sa West Philippine Sea.
“Habang may PCG na nagbabantay, hindi kailanman magiging pag-aari ng ibang bansa ang ating karagatan! Your bravery, your discipline, and your unwavering commitment to protecting our maritime territory define the true essence of patriotism,” saad ni Romualdez.