Inilatag ni National Artist for Literature Virgilio Almario ang sa palagay niya ay makakalutas umano sa dalawang pangunahing problema ng Pilipinas.
Sa latest episode ng “Power Talks with Pia Arcangel” noong Huwebes, Marso 6, nabanggit ni Almario na mayroon daw siyang serye ng kampanya sa pamamagitan ng pagtula para hikayatin ang publiko na bumoto nang mahusay sa darating na eleksyon.
“Mayroon akong series na lalabas. Siguro mga isang linggo ‘yan o dalawang linggo. Tungkol sa kung paano gagamitin ng tao ‘yong kanilang sariling talino. Dahil naniniwala ako na bawat tao may talino. Hindi lang nagagamit o kaya nababaluktot ng kaniyang community,” saad ni Almario.
Dagdag pa niya, “Naniniwala ako na ang lahat ng tao dapat tumulong para ‘yong ating sarili ay makilala natin. Saka tumulong tayo para ‘yong ating bansa ay makaahon sa kumunoy ng kamangmangan at kahirapan. ‘Yon ang dalawa nating problema, e. [...]. At ang madalas na susi diyan, edukasyon.”
Matatandaang inordenahan si Almario bilang Pambansang Alagad ng Sining noong 2003 bilang pagkilala sa makabuluhang ambag niya sa literatura.
Ilan sa mga aklat niya ng tula ay ang “Makinasyon,” “Peregrinasyon,” “Doktrinang Anakpawis,” “Mga Retrato at Rekwerdo,” at marami pang iba.