Nanindigan si Senate President Chiz Escudero na hindi umano siya magpapadala hinggil sa umano’y nangangalap ng mga pirma upang ipetisyong simulan ng Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pamamagitan ng text message sa ilang reporters noong Miyerkules, Marso 5, 2025, iginiit ni Escudero na wala umanong bilang ng mga lagda ang makakapag-balewala sa bisa ng batas.
"No amount of signatures will amend the law nor convince me to violate it by convening the impeachment court during recess and without complying with the requisite conditions precedent," ani Escudero.
Tahasan ding iginiit ng Senate President na hindi umano tutungo ang batas sa mga umano'y may personal agenda na madaliin ang impeachment kay VP Sara.
"The law is not bendable and should not bow to anyone's dictate simply because of their own desire, bias and time table of wanting to rush the impeachment proceedings vs VP Sara," anang Senate President.
Matatandaang nauna nang ilunsad ang People's Impeachment Movement (PIM), na naglalayong kumalap ng tinatayang isang milyong pirma hanggang Hunyo 8 mula sa iba't ibang sektor upang ipakita umano sa Senado ang kagustuhan ng taumbayan ang agarang paglilitis sa Pangalawang Pangulo.
Noong Pebrero 5 nang ma-impeach si VP Sara sa House of Representatives matapos sumuporta ang 215 kongresista sa ikaapat na impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo.
KAUGNAY NA BALITA: House of Representatives, inimpeach na si Vice President Sara Duterte