Hinoldap at saka ginahasa ng isang 41-anyos na lalaki ang 21 taong gulang na single mom sa Barangay Sira Lupa, Calamba City, Laguna.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Huwebes, Marso 6, 2025, papasok na sana ang biktima sa kaniyang trabaho nang tiktikan siya ng isang lalaking sakay ng motorsiklo.
Natangay sa biktima ang kaniyang cellphone, wallet at ATM card at saka umano siyang pilit isinakay ng suspek sa motorsiklo at dinala sa isang gubat matapos tutukan ng baril.
"Sinakay po n'ya ako ng motor, tapos binalik n’ya papunta sa may gubat. Kinaladkad po n’ya ako papuntang gubat. Huwag daw po ako magpapasaway sa kaniya hindi raw n’ya po ako papatayin. Nagmamakaawa na po ako,” anang biktima.
Agad umanong humingi ng tulong ang biktima matapos siyang lubayan ng suspek.
Samantala, ilang oras lang daw ang lumipas nang muling magparamdam sa kaniya ang suspek sa pamamagitan ng isang chat message at sinabing gusto pa raw nitong makipagkita sa isang motel.
"Sabi n'ya makikipag-meet up daw po siya sa akin, magmo-motel daw po kami dahil hindi raw po siya satisfied sa ginawa n'ya. Kapag hindi daw ako pumunta papatayin daw po n’ya anak ko," pagsasalaysay ng biktima.
Dito na nagpasya ang biktima na magsumbong sa pulisya. Ayon sa Calamba City Police, nasa apat na babae na raw ang nagrereklamo hinggil sa isang lalaking nakamotorsiklo at nanghihipo.
“Based po sa barangay mayroon na po mga report na 'di umano ay may lalaking nanghihipo na nakasakay sa motor. Well, base po sa description ng ating mga naunang biktima, iisa lang din po nitong suspek na naaresto," ani PSMS Jeynita Ferrer.
Agad umanong nagkasa ng operasyon ang pulisya at natimbog ang suspek kung saan narekober sa kaniya ang iba't ibang ID at ATM cards ng ilang mga babaeng biniktima nito.
Nasa kustodiya ng Calamba City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong robbery with rape.