Pinuntahan ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. nitong Huwebes, Marso 6, ang gumuhong Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela.
Kasama niya sa pagbisita si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Sa kaniyang panayam sa mga mamamahayag, sinabi ng pangulo na ang puno't dulo ng nangyaring pagguho ay "design flaw."
“Ang ending nito, ang puno’t dulo nito design flaw. It is a design flaw, mali yung design. Ang history kasi nito dapat ang funding nito was supposed to be P1.8 billion. Binawasan to under P1 billion para makamura,” saad ni Marcos.
Dagdag pa niya, “Design is really weak. This is supposed to be a suspension bridge, nakasabit. [Pero] ito lang ang suspension bridge na nakita ko sa buong mundo na hindi kable at iyan na mismo ang bumigay. Bumigay yung bakal."
Nakita rin ng pangulo ang apat na sasakyan na kasama sa pagguho.
Sinabi rin ni Marcos na ang dump truck ay dahilan ng pagbagsak dahil lumampas ito sa maximum gross vehicle weight na 45 tons--na nakasaad sa Republic Act 8794 o ang Anti-Overloading Law.
“This is a 44-ton bridge. Dapat 44 tons ang acceptable load,” aniya.
Matatandaang umabot sa anim na katao ang sugatan matapos gumuho ang bagong gawang tulay sa Barangay Casibarag Norte, Cabagan, Isabela noong Pebrero 27.
BASAHIN: 6 sugatan sa gumuhong bagong gawang tulay sa Isabela
Ang Cabagan-Santa Maria Bridge ay sinimulan ng DPWH noong Nobyembre 2014 at natapos nito lamang Pebrero 2025, kung saan ang kabuuang halaga ng proyekto mula sa tulay at approaches ito ay may pondong P1,225,537,087.92.