Usap-usapan ng mga netizen ang kumakalat na umano'y larawan ni Andrea Brillantes habang naglalakad at kahawak-kamay ang sinasabing basketball player na nanliligaw sa kaniya na si Sam Fernandez.
Makikita ito sa TikTok account ng isang nagngangalang "imlovely_08" at iniulat din ng entertainment site na "Fashion Pulis."
Sa larawan, makikitang nakatalikod ang isang babae at isang lalaki subalit nilagyan ito ng label ng pangalan ng dalawa.
Makikita rin ang ilang mga larawan nila habang magkasama sa isang event, na batay sa mababasang petsa sa tarpaulin sa kanilang background, ay bandang Pebrero lamang.
Matatandaang noong Valentine's Day ay pinag-usapan ng mga netizen sina Andrea at Sam na umano'y nag-date. Sa video na ibinahagi ng netizen kamakailan, makikitang tila nasa isang restaurant sina Andrea at ang lalaki na may dala pang bouquet.
MAKI-BALITA: Andrea at kasamang basketbolista, minalisya; bagong manliligaw niya?
Nakilala raw ang lalaki na si Samuel “Sam” Fernandez, isang Filipino-Jordanian varsity basketball player mula sa San Beda University.
Kahawig naman ng bouquet na ibinida ni Andrea sa kaniyang TikTok video ang bouquet na bitbit ng lalaking kasama raw niya sa restaurant.
MAKI-BALITA: Pink na bulaklak ni Andrea, ibinida; galing sa basketbolista?
Samantala, wala pang reaksiyon, komento, o pahayag sina Andrea at Sam patungkol dito.