Usap-usapan ang tila patutsada ni Unkabogable Star Vice Ganda patungkol sa bumigay na tulay sa Isabela kamakailan, habang siya ay nagsasalita at nagpapasalamat sa pagkilala sa kaniya bilang top tax payer ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isang mall sa Quezon City, Martes, Marso 4.
"Maraming salamat sa pagkilala sa akin bilang TOP TAXPAYER in BIR Quezon City for 2024," mababasa sa caption ng post sa Campaign Kick-Off event.
MAKI-BALITA: Vice Ganda, kinilalang Top TaxPayer ng BIR
Bukod dito, sinabi ni Vice na kung obligasyon ng mga mamamayan ang pagbabayad ng buwis, obligasyon ding itanong kung saan mapupunta ito.
"Obligasyon nating magbayad ng buwis, at obligasyon din nating itanong kung saan napupunta ito," aniya.
Ibinahagi rin ni Vice Ganda ang kuhang video ng kaniyang mensahe para sa lahat.
"Pagkatapos natin magbayad ng buwis, tayo naman ang magtatanong 'saan na po ang binayad nating buwis?'" giit pa ni Vice Ganda.
Sa kaniyang mensahe, ipinagdiinan ni Vice Ganda na kung obligasyon ang pagbabayad ng buwis, obligasyon ding tanungin kung saan napunta o nagastos ito.
"Obligasyon ito, hindi ito pribilehiyo. Ito ay obligasyon. Kaya kung obligasyon nating magbayad, karapatan din nating obligahin ang mga tatanggap at gagamit ng mga perang ibinabayad natin dahil hindi madali kung paano natin kinita ang ipambabayad natin ng buwis," giit ni Vice Ganda.
"Lahat po tayo ay nagbabayad ng buwis... sa bawat kilos natin, nagbabayad tayo ng buwis... at dahil sa nagbabayad tayo ng buwis, meron tayong karapatan na tanungin din, 'Nasaan 'yong binayad nating buwis?' Pagkatapos po nating magbayad ng buwis, tatanungin natin, 'Nasaan na po 'yong quality of life?' 'Nasaan na po 'yong projects?' 'Nasaan na po 'yong tulay?' 'Bakit po bumagsak 'yong tulay sa Isabela?' Karapatan natin 'yon..." giit ni Vice Ganda.
Naghiyawan naman ang madlang people na nakikinig sa kaniya, at tila sumang-ayon naman sa kaniya ang mga opisyal ng BIR na nasa likuran niya at nasa entablado kasama niya.
MAKI-BALITA: Pagbabayad ng tax at pagtatanong kung saan napunta ito, obligasyon!—Vice Ganda
Ang tinutukoy na tulay ni Vice ay ang pagguho ng bagong gawa lang na Cabagan-Santa Maria Bridge sa Barangay Casibarag Norte, Cabagan, Isabela noong Pebrero 27.
MAKI-BALITA: Kaninong administrasyon ang dapat managot sa gumuhong ₱1-bilyong halagang Cabagan-Sta. Maria Bridge?