Patong-patong na kaso ang isinampa ng tinawag na "DDS vloggers" kay Surigao Del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ngayong Miyerkules, Marso 5, 2025.
Makikita sa Facebook post ng isa sa mga nagsampa ng kaso na si Atty. Trixie Cruz-Angeles ang larawan nila ng ilang social media influencers habang nasa Quezon City Prosecutor's Office.
Kasama ni Cruz-Angeles sa larawan sina Dr. Lorraine Badoy, Joie De Vivre, MJ Quiambao Reyes, Mark Anthony Lopez, Cathy Binag, at iba pa.
Ang dahilan daw ng pagsasampa ng kaso ay direktang pag-akusa umano sa kanila ni Barbers na "narco vloggers" at may kaugnayan umano sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sa panayam naman ng SMNI News kay Atty. Cruz-Angeles, sinabi niyang isa sa mga epekto ng umano'y pagdawit sa kanila sa POGO at ilegal na droga ay may kasamang pangamba para sa kanilang mga mahal sa buhay.
"Siyempre may kasama na diyang pangamba, sleepless nights, nag-aalala sa mga kamag-anak, sa mga pamilya, sa lagay namin, sa trabaho ng ilang mga nandito, and as well to our social media accounts. May iba sa amin monetized na 'yong social media, may danger na matanggal 'pagka may fake news. So ito nga po, 'yong pagko-connect na walang kabasehan talaga, isa sa mga basehan ng pag-file ng kaso sa araw na ito," aniya.
Matapos ang pagsasampa ng kaso ay nagdaos sila ng media conference sa isang restaurant sa Diliman, Quezon City.
Kamakailan lamang, ibinahagi naman nila ang lumabas na kautusan ng Korte Suprema na magkomento ang ilang mga miyembro ng House of Representatives sa inihain nilang "Petition for Certiorari and Prohibition" laban sa kanila.
Kaugnay ito sa hindi umano pagsipot ng mga tinawag na "vloggers" sa isinagawang pagdinig ng Tri-Committee na binubuo ng Public Order and Safety; Public Information; at Information and Communications Technology matapos idawit sa isyu ng "fake news."
Isa sa mga pinagkokomento ng SC si Barbers, kasama pa sina House Speaker Martin Romualdez, ang mga chairperson ng tatlong komite na sina Rep. Dan Fernandez, Rep. Tobias Tiangco, at Rep. Jose Aquino II.
MAKI-BALITA: Mga solon na nagpatawag sa 'vloggers' inutusan ng Korte Suprema na magkomento sa petisyon nila
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Rep. Barbers tungkol dito.