Nagbigay ng reaksiyon si Senador Bato Dela Rosa kaugnay sa ilulunsad umanong inisyatibo ng religious groups para makalikom ng isang milyong pirma para sa impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang episode ng “Storycon ng One PH” noong Martes, Marso 4, sinabi ni Dela Rosa na wala naman umanong prohibition na pumipigil para gawin ang nasabing inisyatibo.
“They can do everything they want. Wala namang prohibition ‘yan. Sige lang kung they can muster 1 million [...] signatures then desisyunan ‘yan ng liderato ng senado,” saad ni Dela Rosa.
Ayon kay Fr. Bong Sarabia sa ginanap na press conference noon ding Martes, Marso 4, nakaugat umano ang kanilang inisyatibo sa sinabi ni Senate President Chiz Escudero na wala umanong ipinapanawagan ang publiko sa Senado para umpisahan ang impeachment trial laban sa bise presidente.
“What clamor? From who? One case has been filed (in the Supreme Court) while three letters have been sent to me. Is that ‘clamor?’ I don’t think so,” saad ni Escudero sa ginanap na press conference noong Pebrero 19.
Matatandaang nakabinbin pa rin hanggang ngayon ang paglilitis kay Duterte dahil ayon sa proposed calendar ni Escudero ay sa Hulyo 30, 2025 pa nakatakdang simulan ang impeachment trial.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Proposed calendar ni SP Chiz hinggil sa impeachment trial ni VP Sara