Ibinahagi ng stand-up comedian na si Alex Calleja ang video clip ni Unkabogable Star Vice Ganda sa noontime show na "It's Showtime" nang magpa-recitation ito sa madlang people patungkol sa "legislative" branch ng pamahalaan, sa Tuesday episode nito.
Nag-ugat ang gawaing ito nang dahil sa "Showtime Sexy Babe" contestant na walang ideya patungkol sa Commission on Elections (COMELEC).
Nag-ikot si Vice kasama sina MC at Lassy sa madlang people upang magtanong tungkol sa tatlong sangay ng pamahalaan: ang Executive, Legislative, at Judiciary.
In fairness naman, nasagot naman ng madlang people audience ang tanong tungkol sa role ng tatlong sangay.
Pero nagbigay naman ng paalala si Vice Ganda patungkol sa Legislative Branch, sa kung ano talaga ang trabaho ng Kongreso at Senado.
"Legislative... iyan 'yong branch ng Kongreso at saka ng Senado, 'di ba, ang trabaho talaga nila ay gumawa ng batas, kaya dapat ang iboboto natin sa Kongreso at Senado ay 'yong gagawa ng batas, 'yong may alam na gawing batas, at 'yong may planong gumawa ng batas, dahil ang Kongreso at Senado ang ginagawa po niyan talaga eh gumagawa ng batas, hindi nagbibigay ng ayuda, okay? 'Di ba?"
"Iyon talaga 'yong pangunahin nila, law-making sila. Kaya dapat gagawa sila ng batas, hindi 'yong mamimigay sila ng pera. Law-making po ito ha," dagdag pa niya.
Ibinahagi nga ni Calleja ang video clip at kinomentuhan, "Taga-gawa ng batas ang mga Senator at Congressman, hindi taga-bigay ng pera!"
"Ito na ang #TamangPanahon para bumoto ng tama!" aniya.
Umani naman ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa netizens.
"Tama. Hindi tagasayaw at tagakanta ang mga tunay na mambabatas."
"Hindi yung budots and igiling giling yung alam juskooo."
"At hindi lang nagsusuklay ng bigote sa kamara"
"Kaya alam mong madaming umaasa lang sa gobyerno. Ayaw magtrabaho kaya yung may ayuda ang iboboto."
"Mas madaling makakuha ng boto kapag ayuda ang binigay realidad."
KAUGNAY NA BALITA: 'Kongreso, Senado gumagawa talaga ng batas, 'di namimigay ng ayuda!'—Vice Ganda