Bagama’t ilang dekada na ang lumipas at ilang estruktura na rin ang tuluyang tinupok at nawala dulot ng sunog, nananatiling buhay ang mga markang iniwan nito upang manariwa at maging palatandaan ng mga paghahandang maaaring gawin upang makaiwas sa mapaminsalang sunog.
Kasabay ng pagkilala sa buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month, narito ang ilan sa mga sunog na nangyari sa bansa, na kumitil ng mga buhay at sumira sa ilang estruktura.
MV Doña Paz (1987)
Sinong mag-aakala na ang isa sa mga pinakamalalang sunog na nangyari sa kasaysayan ng bansa, ay nangyari sa karagatan?
Taong 1987, limang araw bago sumapit ang Kapaskuhan, tinatayang nasa mahigit 4,000 buhay ang nasawi matapos magbanggaan ang isang pampasaherong barko ng MV Doña Paz at isang cargo ship ng mga gasolina, na MT Vector. Ayon sa ulat ng GMA News Online, nagmula sa Samar at Leyte ang ang libong pasahero ng MV Doña Paz na dapat sana’y magpa-Pasko sa Maynila.
Mabilis na kumalat ang apoy sa dalawang barko at tuluyang lumubog ang mga ito sa karagatan ng Mindoro. Nasa 20 lamang ang naitalang nakaligtas.
Ozone Disco (1993)
Nauwi rin sa trahedya ang dapat sana’y selebrasyon ng ilang kabataan sa umano’y pa-graduation promo ng Ozone Disco.
Noong Marso 18, 1996, tinatayang nasa 350 katao ang nakisaya sa Ozone Disco, ngunit 162 lamang sa kanila ang nakalabas ng buhay. Sinasabing nagmula umano ang sunog bunsod ng electrical issue na hindi agad napansin ng mga tao at inakalang special effects lamang daw ang usok at apoy.
May ilang mga nakaligtas ang nagsabi na hindi agad nakalabas ang mga biktima bunsod na rin ng stampede sa may pintuan.
Bahay Kalinga (1998)
Buhay naman ng mga bata ang kinitil ng sumiklab na sunog sa Bahay Kalinga sa Paco, Maynila noong Disyembre 3, 1998.
Ayon sa mga ulat ng ilang local media outlets, nasa 78 taon na raw ang tanda ng estruktura ng Bahay Kalinga na pawang gawa umano sa kahoy kung kaya’t mabilis itong nilamon ng apoy. Tinatayang nasa 28 katao ang nasunog nang buhay at pawang karamihan sa kanila ay mga bata na hindi raw nakalabas sa tatlong palapag na gusali ng ampunan. Sinasabing nagmula ang sunog sa electrical wiring ng gusali.
Manor Hotel (2001)
Hindi naman bababa sa 75 katao ang nasawi sa sunog na sumkilab sa Manor Hotel sa Quezon City noong Agosto 18, 2001.
Karamihan umano ng mga biktima ay napilitang magtago sa banyo ng kani-kanilang unit habang nasusunog ang anim na palapag na gusali. May ilang mga nakaligtas din ang nagpatotoo na ang ilan sa mga nasawi ay bunsod ng suffocation dulot ng usok na mabilis na kumalat sa estruktura.
Lumalabas sa imbestigasyon na kulang umano sa fire alarm ang naturang hotel, kulang din umano sa fire exit at electrical wiring din ang nakikitang isa sa mga umano’y sanhi ng sunog.
Kentex Slipper Manufacturing (2015)
Isa naman ang Kentex Slipper Manufacturing sa itinuturing na pinakadilim na sunog na nangyari sa pabrika sa Pilipinas.
Noong Mayo 13, 1995 nang masunog ang dalawang palapag na pabrika ng tsinelas at kumitil ng tinatayang 72 buhay. Sinasabing sa welding malapit kung saan nakatago ang ilang kemikal nagsimula ang sunog. Habang ang mga nakapalibot na grills naman daw sa ikalawang palapag ng gusali ang mas lalong nagpahirap sa mga biktima upang hindi na magawang makalabas pa.
NCC Mall, Davao CIty (2017)
Nauwi rin sa trahedya ang isang mall sa Davao City matapos itong masunog at kumitil ng tinatayang 38 katao na pawang mga call center workers.
Sinasabing short circuit umano na nagmula sa ceiling ng fabric at furniture section ng naturang mall ang dahilan ng sumiklab na sunog. Nakapatay din umano ang fire alarm ng mall ng mangyari ang insidente.
Ilan lamang ito sa mga malalang sunog na nangyari sa bansa. Ngayong 2025, bitbit ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang temang “Pamayanang Nagdadamayan, Sunog ay Maiiwasan."