Direkta, matapang, at malaman ang naging mga pahayag ni Unkabogable Star Vice Ganda matapos dumalo sa Tax Campaign Kick-Off event sa Quezon City, na isinagawa ng Bureau of Internal Revenue o BIR, Martes, Marso 4.
Kinilala rin ang 'It's Showtime" bilang top tax payer ng BIR para sa taong 2024.
"Maraming salamat sa pagkilala sa akin bilang TOP TAXPAYER in BIR Quezon City for 2024," mababasa sa caption ng Facebook post.
Bukod dito, sinabi ni Vice na kung obligasyon ng mga mamamayan ang pagbabayad ng buwis, obligasyon ding itanong kung saan mapupunta ito.
"Obligasyon nating magbayad ng buwis, at obligasyon din nating itanong kung saan napupunta ito," aniya.
MAKI-BALITA: Vice Ganda, kinilalang Top TaxPayer ng BIR
Ibinahagi rin ni Vice Ganda ang kuhang video ng kaniyang mensahe para sa lahat.
"Pagkatapos natin magbayad ng buwis, tayo naman ang magtatanong 'saan na po ang binayad nating buwis?'" giit pa ni Vice Ganda.
Mapapanood naman sa video na sinabi ni Vice na sa lahat ng mga kilos ng tao ay may kaakibat na buwis, na akala ng karamihan, hindi sila nagbabayad, gaya na lamang ng paggamit ng shampoo o sa bawat pagkain.