Usap-usapan ang pagbibigay-diin ni Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda sa talagang trabaho ng legislative branch ng pamahalaan, sa Tuesday episode ng noontime show.
Kaugnay kasi ito ng paglilibot-libot nila sa madlang people studio audience para magtanong kung alam ba nila ang mga bagay-bagay patungkol sa mga kagawaran, sangay, ahensya, at tanggapan sa pamahalaan, o mga bagay na may kinalaman sa kasaysayan.
Kung sinoman ang makakapagbigay ng tamang sagot, may cash prize mula sa kanila.
Nag-ugat ang gawaing ito nang dahil sa "Showtime Sexy Babe" contestant na walang ideya patungkol sa Commission on Elections (COMELEC).
Nag-ikot si Vice kasama sina MC at Lassy sa madlang people upang magtanong tungkol sa tatlong sangay ng pamahalaan: ang Executive, Legislative, at Judiciary.
In fairness naman, nasagot naman ng madlang people audience ang tanong tungkol sa role ng tatlong sangay.
Pero nagbigay naman ng paalala si Vice Ganda patungkol sa Legislative Branch, sa kung ano talaga ang trabaho ng Kongreso at Senado.
"Legislative... iyan 'yong branch ng Kongreso at saka ng Senado, 'di ba, ang trabaho talaga nila ay gumawa ng batas, kaya dapat ang iboboto natin sa Kongreso at Senado ay 'yong gagawa ng batas, 'yong may alam na gawing batas, at 'yong may planong gumawa ng batas, dahil ang Kongreso at Senado ang ginagawa po niyan talaga eh gumagawa ng batas, hindi nagbibigay ng ayuda, okay? 'Di ba?"
"Iyon talaga 'yong pangunahin nila, law-making sila. Kaya dapat gagawa sila ng batas, hindi 'yong mamimigay sila ng pera. Law-making po ito ha," dagdag pa niya.
Makikita rin ang clip nito sa Facebook page ni Vice Ganda.
Sa Mayo 12 ay magaganap na ang National and Local Elections (NLE) kung saan inaasahang maghahalal ulit ng mga senador, kongresista, at local officials ang registered voters.