March 04, 2025

Home FEATURES

Explainer: Ano ang ibig sabihin kung mataas ang ‘heat index’ sa isang lugar?

Explainer: Ano ang ibig sabihin kung mataas ang ‘heat index’ sa isang lugar?
Courtesy: Unsplash

Kasabay ng pagsisimula ng panahon ng tag-init sa bansa ngayong Marso, nagsimula na ring maglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng heat index sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.

Ngunit, ano nga ba ang heat index at ano ang ibig sabihin kung mataas ang naitala sa isang lugar?

Ayon sa PAGASA, hindi akmang nasusukat ang init na nararamdaman ng isang tao (apparent temperature) sa pamamagitan lamang ng paggamit ng temperatura ng hangin (air temperature). Mas tama raw itong nasusukat kung isinasama ang alinsangan o halumigmig (relative humidity). Kapag pinagsama ang dalawa, tinatawag itong “heat index.”

May apat na “effect based classification” ang weather bureau sa pagtataya ng heat index ng iba’t ibang mga lugar sa bansa. Ito ay ang mga sumusunod:

Kasal sa Davao del Sur, naantala dahil sa 5.0-magnitude na lindol

1. Caution level 

Aabot sa “caution” level ang mga lugar na may heat index na 27°C hanggang 32°C.

Posible rito ang “fatigue” kung matagal na na-expose sa init at gumawa ng outdoor activities. Kapag nagpatuloy pa raw ang isang tao sa direktang pagka-expose sa araw, maaari itong magdulot ng “heat cramps.”

2. Extreme Caution level

Nasa klasipikasyon ng “extreme caution” level ang mga lugar na may heat index na 33°C hanggang 41°C. 

Posible rito ang “heat cramps” at “heat exhaustion.” Kapag nagpatuloy naman daw ang isang tao sa pag-expose sa init, maaari na siyang ma-”heat stroke.”

3. Danger level

Nasa “danger” level ang heat index na mula 42°C hanggang 51°C. 

Kinakailangan na raw rito ang ibayong pag-iingat dahil mas malaki na ang tsansang magkaroon ng mga sakit na “heat cramps” at “heat exposure” na dulot ng mainit na panahon.

“Heat stroke is probable with continued exposure,” saad pa ng PAGASA.

4. Extreme Danger level

“Extreme danger” ang pinakamataas na antas ng klasipikasyon ng PAGASA, kung saan maaari itong maranasan ng mga lugar na nasa 52°C pataas ang heat index. 

Mas ibayong pag-iingat ang kinakailangan ng mga taong nasa lugar na nakararanas ng heat index na umabot sa “extreme danger” level dahil mataas daw ang tsansa rito ng “heat stroke.”

Kaugnay nito, nagbigay rin ang PAGASA ng mga paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga sakit na dulot ng mainit na panahon.

* Limitahan ang pananatili sa labas o open areas 

* Uminom ng maraming tubig

* Iwasan ang kape, iced tea, softdrinks, at alak

* Magsuot ng payong, sumbrero o may manggas na damit kapag lalabas

* Gawin ang mabibigat na gawain sa pagsisimula o pagtatapos ng araw

Magpapatuloy ang pagmo-monitor ng PAGASA sa heat index ng mga lugar sa bansa sa panahon ng tag-init o hanggang sa buwan ng Mayo.