Patay ang isang binata matapos umanong patulungang pagsasaksakin ng apat na magkakapatid sa Tondo, Manila nitong Lunes ng hapon.
Naisugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) ang biktimang si alyas 'Raymond' 25, ng Aroma Compound, Tondo, ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas dahil sa mga tama ng saksak sa katawan.
Samantala, nakatakas at tinutugis na ng mga awtoridad ang magkakapatid na suspek sa krimen na nakilalang sina alyas ‘Vasser,’ ‘Diether,’ ‘Ness,’ at ‘Nasser,’ pawang residente ng Temporary Housing, Tondo.
Batay sa ulat ni PCMS Dennis Suba, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nabatid na dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang krimen sa Building 33, ng Aroma Compound, sa Tondo.
Nauna rito, nagtungo umano sa bahay ng mga suspek ang biktima, kasama ang kanyang live-in partner at hinahanap si ‘Vasser,’ ngunit nang hindi makita ang pakay ay umalis din.
Gayunman, muli umanong bumalik ang biktima at nang maabutan si Vasser ay nagkausap ang mga ito ngunit nauwi ito sa sagutan.
Sa puntong ito, pinagtulungang hawakan nina ‘Diether,’ ‘Ness,’ at ‘Nasser’ ang biktima, at saka siya sinaksak ni ‘Vasser.’
Nagawa pa umano ng biktima na makatakbo ng ilang metro mula sa crime scene ngunit malaunan ay nag-collapsed din habang mabilis namang nagsitakas ang magkakapatid.