Pitong volcanic earthquakes ang naitala sa Bulkan Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na 24 oras, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo, Marso 2.
Base sa inilabas na ulat ng Phivolcs, nananatiling mataas ang aktibidad ng Kanlaon na nakataas pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest).
Naglabas ang bulkan ng 527 tonelada ng sulfur dioxide noon lamang Sabado, Marso 1.
Naitala sa namamagang bunganga ng bulkan ang 100 metrong taas na plume (o walang patid na pagsingaw) na napapadpad pakanluran.
Dahil dito, nagbabala ang Phivolcs sa publiko na maaaring maganap sa Kanlaon ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Kaya naman, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!