Ipinahayag ni senatorial candidate Bam Aquino na balak nilang ikutin ang buong Pilipinas sa kanilang house-to-house campaign upang “makausap at makaisang puso” raw nila ang mga Pilipino.
Sinabi ito ni Aquino sa isang panayam ng mga mamamahayag sa gitna ng house-to-house campaign niya kasama sina senatorial candidate Kiko Pangilinan at Akbayan Partylist first nominee Atty. Chel Diokno sa Mandaluyong City nitong Sabado, Marso 1, na inulat ng Manila Bulletin.
“Balak ho talaga namin maikot ang buong Pilipinas, makausap at makaisang puso ang ating mga kababayan dito po sa laban na ito,” ani Aquino.
Sa kasalukuyan ay nakabisita na raw sina Aquino sa 12 probinsya ng bansa sa loob ng mahigit dalawang linggo ng campaign period.
Ayon pa sa dating senador, tiwala siyang mananalo sila sa susunod na eleksyon basta’t sisipagan pa raw nila ang pagpapahayag sa mga Pilipino ng kanilang layunin sa Senado, at maging ng kanilang mga volunteer.
“Of course, kailangan sipagan pa, kailangan suyurin pa, manligaw pa sa mga kababayan natin,” saad ni Aquino.
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.