Inulan ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens ang viral video ng ilang enforcers ng Land Transportation Office (LTO) tungkol sa umano’y naging marahas na pagsita at paghuli nila sa isang magsasaka sa Panglao, Bohol noong Pebrero 28, 2025.
Batay sa ulat ng TV Patrol ng ABS-CBN News, hinuli ng mga tauhan ng LTO ang lalaki na isa ring magsasaka matapos mahulihang may dala umano itong kutsilyo. Maririnig naman sa nasabing viral video na iginiit ng biktima na isa raw siyang magsasaka.
Mapapanood sa nagkalat na video sa social media na nasa limang enforcers ang humuli sa nasabing magsasaka. Nahagip din ng video ang tila akmang pag-unday ng kutsilyo ng isang enforcer sa biktima habang hawak niya ito sa leeg.
Agad na umagaw ng atensyon mula sa netizens ang naturang video at tinawag umanong “hindi makatarungan” ang ginawang aksyon ng LTO-7.
“Pasikat kase ‘yang mga walanghiyang ‘yan eh mga salbaheng buwaya may araw din kayo!”
“Hindi makatarungan ang ginawa kay tatay! Kung may violation siya, kausapin nang maayos hindi ganyan na hinaharas na.”
“Grabe naman, kutsilyo lang nakita parang kriminal na agad ang tingin ng LTO. ‘Di makatarungan ginagawa!
“Tanggalin na ‘yan sa serbisyo!”
“Kung makahila akala mo baboy yung hinila ha!”
“Sa itsura pa lang ng mga taga-LTO na ‘yan mukhang walang matinong pag-iisip eh hayss”
Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang LTO Region 7 at kinondena ang nangyaring insidente.
"First and foremost, LTO 7 regrets the distressing nature of the incident and apologizes for any concern it may have caused to the public. The situation, in which a belligerent individual wielding a knife was an unfortunate turn of events. The safety of both the public and our personnel remains a top priority, and we are committed to maintaining law and order," anang tanggapan.
Isinaad din ng LTO na nasa kustodiya na umano ng pulisya ang biktima habang ipinag-utos na rin nila ang suspensyon sa lahat ng law enforcement operations sa buong probinsya ng Bohol habang gumugulong umano ang imbestigasyon sa nangyaring insidente.