Arestado ang isang lalaki sa Silang, Cavite matapos umanong magpanggap na nabiktima ng dalawang holdaper.
Ayon sa ulat ng DZJV 1458 Radyo CALABARZON—isang regional radio station, mismong ang lalaki raw ang nagtungo sa pulisya upang i-report na naholdap siya at tinangayan ng ₱13,000. Bunsod nito, nagkasa naman ng imbestigasyon ang mga awtoridad.
Lumalabas umano sa imbestigasyon na hindi totoong naholdap ang lalaki at napag-alamang naipatalo lamang niya ang ang naturang ₱13k sa online gambling.
Napilitan umanong magsinungaling at gumawa ng kuwento ang lalaki dahil sa takot na mapagalitan siya ng kaniyang ama.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya ng Silang Municipal Police Station ang lalaki na nahaharap sa kasong perjury.