Nagsalita na nga si "Frontline Pilipinas" showbiz news presenter KaladKaren o "Jervi Li-Wrightson patungkol sa inintrigang hiwalayan nila ng British husband na si Luke Wrightson, Biyernes, Pebrero 28.
Sa ilang minutong nalalabi bago tuluyang magtapos ang flagship news program ng TV5, binigyan ng pagkakataon si KaladKaren para magsalita at linawin ang isyu.
Aniya, hindi pa raw sila hiwalay ni Luke bagama't aminado siyang hindi raw perpekto ang kanilang relasyon.
Isa raw sa mga problema sa kanilang relasyon, na hindi raw nakakatulong sa kanila, ay ang proximity o agwat ng kanilang lokasyon since bongga nga ang career ngayon ni Jervi sa Pilipinas, at ang asawa naman ay nasa London.
"Ako pa rin po si Mrs. Jervi Wrightson," anang KaladKaren.
"Lilinawin ko lang po yung issue tungkol sa amin ni Luke. You know, our marriage is not perfect. Katulad ng ibang couples, siyempre may misunderstandings, mayroong challenges. And hindi rin po nakakatulong na minsan hindi kami magkasama because Luke is working abroad."
"But for 13 years, sinubok na po kami ng panahon at araw-araw pinipili po naming mahalin ang isa't isa. So, kami pa rin po. We're still together. Wala po kaming problema ni Luke. Masaya po kaming mag-asawa," giit pa niya.
"Katunayan nga, umuwi siya ng Pilipinas, kakarating lang kaninang tanghali."
Ipinaliwanag din ni KaladKaren kung tungkol saan ang TikTok video niya, sa saliw ng kanta ni Ariana Grande.
"Yung Tiniktok po ko na song ni Ariana Grande na 'We Can't Be Friends,' feel ko lang siya i-TikTok noong araw na yon," aniya.
Pagdating naman sa pang-iintriga sa umano'y deleted wedding photo nila sa Instagram, "Yung picture ko naman sa Instagram, inaayos po kasi ng management yung feed ko for work. So, nagtanggal sila ng ibang pictures pero ibabalik din nila 'yon."
"Pati nga ako nagulat din ako na, 'Bakit wala yung ibang pictures ko?'"
Pinag-ingat din ni KaladKaren ang publiko sa pagkalat ng fake news.
"Napagtagpi-tagpi lang ng netizens yung kuwento. Mayroon pang gumagawa ng fake news, fake videos. Ini-slice yung dati kong vlogs tapos inilalagay na umiiyak ako doon sa issue."
Sa pagtatapos, nagbigay rin siya ng "moral of the story" tungkol sa nangyari.
"I think the moral of the story, we have to be responsible with the content that we receive and consume," ani Kaladkaren.
"Yung mga napapanood natin online, mag-ingat po tayo sa fake news and let's mind our own business."
Hindi raw sana magsasalita si KaladKaren patungkol dito, dahil wala naman daw talaga silang problema ni Luke, subalit lumalaki na kasi ang intriga kaya kailangan na itong i-address.
MAKI-BALITA: KaladKaren, nagsalita na sa estado ng relasyon nila ng afam na hubby!