Tila tuluyan na ngang nagtapos sa kalendaryo ang mga buwan ng mga selebrasyon kagaya ng Pasko, Bagong Taon, Chinese New Year at Valentine’s Day.
Matapos ang kasiyahan at pagpapakilig, tila may seryosong bitbit naman ang buwan ng pagpasok ng Marso.
Ngayong buwan ng Marso, ginugunita at isinusulong ang Rabies Awareness, Fire Prevention at International Women’s Month. Kung ang isang taon ay binubuo ng 12 buwan, bakit nga ba sa Marso nagsama-sama ang tatlong ito?
International Women’s Month
Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), nag-ugat ang deklarasyon ng International Women's Month sa naging pakikipaglaban umano noon ng kababaihan para sa labor rights at gender equality.
Batay pa sa PCW, ang taong 1909 at 1911 umano ang isa sa mga pinagbatayan ng International Women's Day kung saan nangyari umano ang madugong pakikibaka ng kababaihan para sa kanilang mga karapatan.
Samantala, nagmula naman sa isang European Socialist na si Clara Zetkin ang ideya na igunita ang International Women's Day sa tuwing sasapit ang ika-8 ng Marso.
Sa Pilipinas, bitbit ng PCW ang temang "Babae sa Lahat ng Sektor, Aanga ang Bukas sa Bagong Pilipinas."
Fire Prevention Month
Ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG), nakabatay sa Presidential Proclamation No. 115-A ang deklarasyon sa buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month, bunsod umano ng mataas na bilang ng mga nasusunugan sa tuwing sumasapit ang naturang buwan.
Ngayong taon, nakasentro ang tema ng Fire Prevention Month sa, "Sa Pamayanang Nagdadamayan, Sunog ay Maiiwasan."
Rabies Awareness Month
Ayon sa Executive Order No. 84 na nilagdaan ni dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada noong Marso 13, 1999, itinatalaga niya ang buwan ng Marso bilang Rabies Awareness Month. Kasunod umanO ito ng tinatayang 560,000 bite cases na naitatala noon. Ayon pa sa nasabing proklamasyon, nasa 300 hanggang 400 mga Pilipino rin ang umano'y namamatay dulot ng rabies na nakukuha sa kagat ng aso at pusa.
Sa ilalim nito, isinasaad din ang malawakang libreng pagpapabakuna sa mga aso sa iba't ibang panig ng bansa.
Samantala, bukod dito, sa darating na Marso 30 naman sasalubungin ng Pilipinong Muslim at maging ang lahat ng Muslim sa buong mundo ang pagtatapos ng Ramadan.