“WALANG KULAY ANG GUTOM.”
Ito ang pahayag ni senatorial candidate Kiko Pangilinan matapos niyang i-fliex ang larawan niya kasama si Toni Gonzaga.
Sa isang X post nitong Martes, Pebrero 25, nagpasalamat si Kiko kay Toni sa pagkakataon daw na maibahagi niya ang kaniyang mensahe sa programa nitong “Toni Talks.
“WALANG KULAY ANG GUTOM. IBA IBA ANG KULAY NG GULAY AT PAGKAIN,” ani Kiko sa kaniyang post.
“Salamat, Toni Gonzaga, sa pagkakataong maibahagi ang mensaheng ito sa Toni Talks.
Narito po ang aming kamustahan at kwentuhan,” dagdag niya.
Sa episode naman ng ToniTalks na may pamagat na “Kiko Pangilinan's Astronaut Dream: How He Ended Up With The Megastar & Senate Comeback,” ibinahagi ni Kiko kay Toni ang kaniyang naging buhay bago pa man pumasok sa politika hanggang sa mga programa niyang gustong isulong sa kaniyang muling pagtakbo bilang senador para sa 2025 midterm elections.
Matatandaang noong 2022 nang tumakbo si Kiko bilang bise presidente ng bansa kung saan naging runningmate niya si dating Vice President Leni Robredo.
Sa naturang panahon ng eleksyon ay naging hayagang tagasuporta naman si Toni ng mga nakalaban nina Kiko at Leni na sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.