February 25, 2025

Home BALITA National

‘Kahit ilang holiday pa i-cancel ng Malacañang!’ Diwa ng EDSA, mananatiling buhay – Hontiveros

‘Kahit ilang holiday pa i-cancel ng Malacañang!’ Diwa ng EDSA, mananatiling buhay – Hontiveros
(Courtesy: Sen. Risa Hontiveros/FB; Santi San Juan/MB)

Iginiit ni Senador Risa Hontiveros na mananatiling buhay ang diwa ng EDSA People Power Revolution I kahit ikansela pa raw ng Malacanang ang pagiging “holiday” nito.

Sa isang pahayag nitong Martes, Pebrero 25, ginunita ni Hontiveros ang kaniyang naging karanasan nang makiisa siya sa EDSA Revolution noong 1986.

“I was turning 20 years old when I joined the millions of Filipinos who went to EDSA in 1986 to make our voices heard, end a twenty-year dictatorship, and fight for democracy, human rights and dignity, and a chance for a better future,” aniya.

Kaugnay nito, ipinaabot ng senadora ang kaniyang pagkatuwa na makita raw ang mga estudyante, guro, paaralan at youth organizations sa paggunita ng EDSA kahit hindi pa ito ginawang “state holiday” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

National

Kiko Pangilinan matapos makapanayam ni Toni Gonzaga: ‘Walang kulay ang gutom!’

“Kaya kahit ilang holiday pa ang icancel ng Malakanyang, mananatiling buhay ang diwa at mensahe ng People Power  - lalo na sa kabataang Pilipino na naninindigan at nagsasalita para sa kalayaan, hustisya at sama-samang pag-asenso,” giit ni Hontiveros.

“We should take inspiration from the courage of our young kababayans, and never be cowed into fear and inactivity. We must speak truth to power, overcome disinformation and historical distortion, and continue to resist the corruption, violence, and lust for power of those who are supposed to serve the nation.”

Hinikayat din ni Hontiveros ang mga Pilipinong huwag magsawang kumilos para sa tama, lalo na raw sa kasalukuyan kung saan “nag-aaway ang mga kampo ng Marcos at Duterte na parehas nagnanais na maghari-harian sa bansa.”

“Now more than ever, we must not stay silent. Tandaan natin na kahit natanggal ang diktador noong 1986, hindi pa rin tapos ang laban para sa malinis na gobyerno at maunlad na bayan. Buhay na buhay pa rin ang korapsyon, cronyism at pamamayagpag ng oligarkiya sa lipunan. Naghihirap pa rin ang marami sa maliit na sweldo, mataas na presyo ng bilihin at kulang na pabahay. Nariyan pa rin ang pang-aabuso sa kapangyarihan, ang kawalan ng hustisya at ng pagkakapantay-pantay,” ani Hontiveros.

“Marami pa tayong kailangan pagsumikapan bago makamit ang pangakong hatid ng EDSA People Power Revolution. Pero gaya ng nasaksihan ng buong mundo noon, walang imposible sa nagkakaisang pagkilos ng sambayanan,” saad pa niya.

Matatandaang noong Pebrero 25, 1986 nang maganap ang EDSA People Power Revolution I kung saan muling naibalik ang demokrasya ng bansa matapos mawakasan ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pamamagitan ng mapayapang rebolusyon.

Kaugnay nito, noong Oktubre 2024 nang ilabas ng Malacañang ang Proclamation 727 na nagdedeklara ng regular holidays at special (non-working) days para sa 2025, kung saan “special working day” ang Pebrero 25 o ang anibersaryo ng EDSA I.

BASAHIN: ALAMIN: Listahan ng mga holiday para sa 2025

Sa gitna naman ng hindi pagdeklara ng Malacañang na holiday ang EDSA anniversary, ilang mga paaralan sa bansa ang nagsuspinde ng mga klase para gunitain ito.

BASAHIN: Ilang mga paaralan, nagdeklara ng kanselasyon ng klase para sa EDSA anniversary