February 25, 2025

Home BALITA National

Amihan at easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

Amihan at easterlies, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa ring nakaaapekto ang weather systems na northeast monsoon o amihan at easterlies sa bansa ngayong Martes, Pebrero 25, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang weather system na easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Visayas, Northern Mindanao, Caraga, at Davao Region.

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga katamtamang pag-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora, at Quezon.

National

Kiko Pangilinan matapos makapanayam ni Toni Gonzaga: ‘Walang kulay ang gutom!’

Bukod dito, inaasahan ding magdadala ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon.

Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging sa nasabing mga lugar kung saan nakaaapekto ang amihan, ayon sa PAGASA.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).