Muling nagpakawala ng tsika patungkol kina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla o "KathNiel" ang tinaguriang Pambansang Lalaking Marites na si Xian Gaza, sa pamamagitan ng video sa Facebook.
Matatandaang bago gawin ito, nagpakawala muna ng Facebook post si Xian patungkol sa tsikang may nakakakita na raw na nagkaayos na ang mag-ex.
"Ang tsismis eh nagkabalikan na daw pala ang KathNiel. This is not kompirmd yet kasi isang source pa lang ang nag-i-splook sa akin. How true?" ani Xian sa kaniyang Facebook post noong Linggo, Pebrero 23.
Bandang hapon naman ay muling nagpakawala ng update tungkol dito ang social media personality.
"BREAKING NEWS: Kathryn Bernardo & Daniel Padilla, nagkaayos na! Kompirmd 99.9%! Yung 0.01% ay yung germs na hindi napatay ng Safeguard!"
"Atin-atin na lang muna at huwag na lang sana makakalabas hangga't kinukumpirma pa natin kung sila ba ay magjowa na ulit. Salamat. Please respect their privacy..." mababasa pa sa post niya.
Samantala, nagsalita naman ang ina ni Kathryn na si Min Bernardo patungkol sa mga kumakalat na fake news, na bagama't walang tinukoy kung tungkol saan, ay natunugan ng mga netizen na konektado nga sa mga kumakalat na tsika patungkol sa KathNiel.
"Huwag kayong masyadong naniniwala sa mga fake news," simpleng sey ni Min sa short video ni Tita Long Gumatay. "Basta, tanungin n'yo na lang si Tita Long."
Pero sa latest post nga ni Xian, sinabi niyang marami na raw ang nakakakita sa KathNiel na magkasama raw.
"Naku daming nakakakita, mga hairstylists, iba't ibang mga artista na nagkakausap sila sa backstage, sa dressing room, and off work may mga lihim na pagtatagpo and everything else... so talagang nagkaayos na sila, that's confirmed," giit ni Gaza.
"Huwag ninyong matawag-tawag na fake news 'yong sinasabi ko, baka bigla akong mag-upload ng video rito, baka hindi mo kayanin mother," sey pa niya.
Hindi naman daw niya kinukumpirmang nagkabalikan na ang dalawa, at kung iyon daw ang interpretasyon ng karamihan, sila raw ang nagpapakalat ng fake news at hindi siya.
MAKI-BALITA: Nakipag-ayos kay Daniel? Madir ni Kathryn, may mensahe sa humohopiang fans ng anak!
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag sina Kathryn at Daniel tungkol sa isyung ito.