Pinalagan ni Megastar Sharon Cuneta ang mga kumakalat na pekeng balita laban sa mister niyang si senatorial aspirant Atty. Kiko Pangilinan.
Sa isang video statement nitong Lunes, Pebrero 24, sinabi ni Sharon na matagal daw niyang pinag-isipan kung papatulan ba niya ang paninira sa kaniyang asawa.
“E, wala hong tigil ang mga tsismis na peke naman tungkol sa kaniya lalo ngayon na siya ay tumatakbo ulit para senador. E, ang lakas po ng impluwensiya ng social media ‘di ho ba? Lalo na ngayon at lalo na kapag nega at may malisya,” saad ni Sharon.
Dagdag pa niya, “Ayon po sa mga social scientists, kapag daw ang isang kasinungalingan o fake news ay paulit-ulit pong pinagkalat at paulit-ulit pinakita sa inyo o sa taong-bayan, maya-maya po, aba'y, mayroon na pong maniniwala.”
Kaya para pabulaanan ang mga pekeng balita na binabato kay Pangilinan, pinatunayan ni Sharon na isa raw mabuting asawa at ama ang kaniyang asawa sa loob ng mahigit tatlong dekada nilang pagsasama.
“Kapag siya po ay nangako talaga pong harangan man ng sibat kailangan tuparin niya. Gano’n po siya sa amin. Nagawa na niya at gagawin po niya ulit,” aniya.