Isang naaagnas na bangkay ng isang lalaki ang natagpuang umaalingasaw na at tila chinop-chop pa matapos matagpuang nakabalot ang katawan nito sa isang kutson habang ang binti naman ay nasa isang ice cooler.
Ayon sa ulat ng 24 Oras Weekend ng GMA Network noong Sabado, Pebrero 22, 2025, natagpuan ang mga labi ng biktima sa bahay ng isang tattoo artist na siya ngayong person of interest ng pulisya.
Lumalabas sa imbestigasyon na tatlong araw na raw nawawala ang biktima nang matagpuan nila itong wala nang buhay sa naturang bahay ng itinuturing ngayong nagtatagong person of interest. Hindi rin daw alam ng pamilya ng biktima kung ano ang naging relasyon ng ng biktima sa naturang tattoo artist.
Samantala, nananawagan na rin ang ina ng nasabing tattoo artist na sumuko na raw ito at linawin ang tunay na nangyari.
“Lumantad siya, sumuko siya. Kasi kung ano man yung nagawa niya, kung bakit niya nagawa, dapat hindi niya ginagawa. Kasi pinalaki ko naman siya nang buong pagmamahal. Halimbawa, kung makulong na siya, hahatiran ko na lang siya ng pagkain, magkikita pa rin kami,” anang ina ng tattoo artist.
Nanindigan din ang kapatid ng biktima na imposible umanong isang tao lang ang may kagagawan ng sinapit ng kaniyang kapatid.
“Kahit sabihin mong kahit gaano kakalakas, hindi mo kaya gawin mag-isa yung gano’ng bagay. Kaya sigurado ako may kasama yung gumawa noon. Kasi nakita po ng pulis, may saksak daw sa likod, tapos may laslas sa leeg. Balak siguro itago, tapos noong nakita, nakahubad na rin siya ng damit. Hindi ko alam kung anong ginawa nila,” saad ng kapatid ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa motibo sa pagpaslang sa biktima.