Maugong ang mga tsikang tila magkakaroon daw ng "rigodon" pagdating sa pagpapares ng love team ang ABS-CBN.
Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP kamakailan, may mga kumakalat na usap-usapang susubukin daw ipares si Kathryn Bernardo kay Donny Pangilinan, at sa katunayan, dalawa nga silang uupo bilang hurado sa nagbabalik na "Pilipinas Got Talent" (PGT) season 7.
MAKI-BALITA: FMG, Donny, Eugene at Kathryn, ‘power judges’ ng ‘Pilipinas Got Talent’ season 7
Mukhang malabo raw na magkaroon ng follow-up project sina Kathryn at Kapuso star Alden Richards matapos ang tagumpay ng "Hello, Love, Again" sa takilya.
Hindi naman na bago kay Kathryn ang mapalitan ng katambal. Noong hindi pa umeeksena ang kaniyang ex-boyfriend na si Daniel Padilla kaya nabuo ang "KathNiel," una munang naipareha si Kathryn kay Albie Casiño, sa pamamagitan ng remake ng "Mara Clara."
May mga nagsusulong ding magsama sa proyekto sina Kathryn at Enrique Gil, na dati namang nagkasama sa seryeng "Princess and I." Si Enrique, ay nanggaling naman sa tambalan nila ng umano'y dating karelasyong si Liza Soberano, na tinawag na "LizQuen."
Pero ang tanong daw, kung ipapartner si Kathryn kay Donny, mabubuwag na ba ang "DonBelle" na tambalan nina Donny at Belle Mariano?
Ayon pa sa mga tsika, susubukan naman daw ipareha si Belle sa bagitong si Robbie Jaworski na kapipirma lang sa Star Magic kamakailan.
Si Donny, bago pa matambal kay Belle, ay ka-love team muna ni Kisses Delavin o DonKiss subalit nabuwag ito matapos lumundag ng huli sa GMA Network.
Pero habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang kumpirmasyon, tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo nina Kathryn, Donny, Belle, at Robbie tungkol dito, gayundin ang Star Magic o ABS-CBN.