Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng 33 volcanic earthquakes sa Bulkang Kanlaon sa Negros Island sa nakalipas na 24 oras.
Base sa ulat ng Phivolcs na inilabas nitong Linggo, Pebrero 23, isang beses nagbuga ng abo ang Kanlaon na tumagal nang 12 minuto.
Naglabas din ito ng 3,894 tonelada ng sulfur dioxide noong Sabado, Pebrero 22.
Naitala sa namamagang bunganga ng bulkan ang 300 metrong taas na plume (o walang patid na pagsingaw) na napapadpad patimog-kanluran.
Paalala ng Phivolcs, maaaring maganap ang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC), rockfall, at pagdaloy ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Kaya naman, ipinayo ng ahensya ang paglikas ng mga nakapaloob sa anim na kilometrong (6 km) radius mula sa tuktok ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa tuktok ng Kanlaon.
Habang isinusulat ito’y nananatili pa rin sa Alert Level 3 (magmatic unrest) ang status ng Kanlaon.
Matatandaang noong Disyembre 9 nang itaas ng Phivolcs sa alert level 3 ang bulkan kasunod ng naging pagputok nito.
MAKI-BALITA: Bulkang Kanlaon, itinaas na sa Alert Level 3!