February 23, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa ring nakaaapekto ang tatlong weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies, sa bansa ngayong Linggo, Pebrero 23, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang weather system na shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Palawan at Visayas.

Malaki rin ang tsansang magdudulot ang easterlies, o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko, ng maulap na kalangitan na may kasamang mga kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Davao Region, Zamboanga Peninsula, Sarangani, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

Maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan naman ang inaasahang idudulot ng malamig na hanging amihan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bicol Region, Aurora, at Quezon.

National

HS Romualdez, pinuri adjustment coverage ng PhilHealth: 'Ang sakit ay 'di dapat pabigat sa bulsa'

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahan ding magdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang magiging mga pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng Mindanao bunsod pa rin ng easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms, ayon sa weather bureau.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).