Natagpuang wala nang ulo ang isang 61 na taong gulang na lalaki at isang tribal leader sa Barangay Tuayan, Datu Hoffer, Maguindanao del Sur noong Huwebes, Pebrero 20, 2025.
Kinilala ang biktima na si Renato Promboy, lider ng tribong Teduray.
Ayon sa ulat ng isang lokal na pahayagan nitong Biyernes, Pebrero 21, ang ilang miyembro ng Teduray ang nakakita sa wala nang buhay na katawan ng biktima habang nakagapos pa umano ang mga kamay nito.
Isa umano sa mga hinihinalang motibo sa pagpaslang kay Promboy ay ang matagal ng madugong away sa pagitan ng ilang armadong grupo na nais umanong kamkamin ang ancestral land ng mga Teduray.
Lumalabas din umano sa record ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, Army’s 6th Infantry Division at local government units ng Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, na tinatayang nasa 84 lider na rin ng Teduray ang napaslang mula 2018 na may kaugnayan pa rin sa interes sa kanilang lupain.