February 21, 2025

Home BALITA Probinsya

Senior citizen sa Rizal, tinaga ng kapitbahay dahil umano sa away sa videoke

Senior citizen sa Rizal, tinaga ng kapitbahay dahil umano sa away sa videoke
Photo courtesy: Pexels

Isang senior citizen ang kritikal ang kalagayan matapos saksakin ng kaniyang kapitbahay bunsod umano ng kanilang away dahil sa videoke sa Rodriguez, Rizal.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Huwebes, Pebrero 20, 2025, pareho umanong lasing ang suspek at biktima na kapuwa may matagal na raw malalim na hidwaan. 

Sa panayam ng media kay Police Lieutenant Colonel Paul Macasa Sabulao, iginiit niya kung paano umano nagsimula sa videoke ang away ng dalawang magkapitbahay.

“Matagal ng may magkaaway itong magkapitbahay na ‘to, parehong nag-iinuman. May videoke sa kabila, at may videoke rin dito sa kabila. Sa side ng suspek, ‘kinainggitan siya dahil nakabili rin sila ng videoke.’ Ito yung pinag-ugatan ng kanilang away. Kesyo malakas ang sounds doon sa kabila at malakas din dito,” ani Sabulao.

Probinsya

Tribal leader sa Maguindanao del Sur, natagpuang pugot ang ulo

Ayon pa sa pulisya, nasa apat na patalim ang narekober mula sa suspek at biktima. Depensa naman ng suspek, tanging isang patalim lang ang umano’y pagmamay-ari niya at pawang ang ang biktima rin daw ang naunang sumugod sa kaniya. 

“Siya po yung unang sumugod sa bahay ko. At saka marami pong nakakita, siya ang unang sumaksak sa akin, naka-depensa lamang po ako,” saad ng suspek. 

Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.