Humingi ng tawad sa fiancée na si Jellie Aw ang negosyanteng si Jam Ignacio matapos ang insidente ng umano'y pambubugbog niya kamakailan habang nasa loob sila ng sasakyan.
Sa eksklusibong panayam ng GMA Integrated News kay Ignacio, sinabi niyang nais pa rin daw niyang matuloy ang pagpapakasal nila ng kasintahan. Aniya, hindi raw siya nagtatago sa mga awtoridad at naghintay lamang ng tamang panahon para magsalita.
Pinagsisisihan daw niya ang nagawa sa kaniyang pakakasalan at humingi ng tawad kay Jellie.
"Sa mga kapatid, sa mga kaibigan, heto, heto ako, haharap sa inyo, humaharap na humihingi ng taos-pusong sorry, sorry, sobrang sorry lalo na sa family ni Jellie, Ma, sorry Ma. Alam niya na mahal na mahal ko si Jellie," aniya.
Paliwanag ni Jam, nagsimula raw ang insidente dahil sa kanilang hindi pagkakaunawaan, dinagdagan pa raw ng pagod sa maghapon nilang lakad nang araw na iyon.
"Sa simpleng 'di pagkakaunawaan, siguro may halo na rin sigurong pagod sa maghapon na lakad namin, kumbaga, tao lang din siguro ako, kumbaga, napuno lang din siguro ako, na hindi ko sinasabi na tama, pero hindi ko para i-tolerate na gawin ulit. Humihingi ako ng tawad, pasensya na talaga.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Jellie tungkol dito.
Kamakailan lamang ay pormal nang nagsampa ng reklamo si Jellie sa National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Jam.
Sinabi naman ng NBI na maghahanda na sila ng subpoena laban kay Jam.
MAKI-BALITA: Jam Ignacio nag-sorry kay Jellie Aw, gusto pang makasal sila