Hindi direktang sinagot ni Senador Imee Marcos kung hinihiling din ba niya ang “12-0” na pagkapanalo sa panig ng administration slate na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas dahil iniisip din daw niya ang kaniyang mga kaibigang sina Senador Bong Go at Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa isang press conference nitong Martes, Pebrero 18, tinanong ang senadora kung hinihiling din niyang manalo ang lahat ng 12 senatorial candidate ng Alyansa, tulad daw ng sinasabi ng kaniyang mga kasama sa partido at maging ng kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Sen. Imee, iniisip niya sina Go at Dela Rosa—parehong senatorial candidates sa ilalim ng Duterte-wing party PDP-Laban—dahil nakasama raw niya ang mga ito mula pa noong nangangampanya sila noong 2019.
“Medyo sentimental ako kasi may mga kasamahan ako na kumampanya noong 2019. Sama-sama kami ni Bong Go at saka ni Bato. So, parang, wala, magkakasama kami sa Senado, magkakasama kami sa kampanya,” anang senadora.
“Yung sinasabing 12-0, hindi ko alam. Hindi ko alam kung anong mangyayari, Hindi naman tayo forecaster. Siguro, hintayin na lang natin at todo trabaho na lang tayo.”
Sinabi rin ni Sen. Imee na kaya raw siya nagdesisyong tumakbo bilang “independent” dahil marami siyang kaibigan sa magkabilang partido at nasasaktan daw siya sa birahan ng mga ito.
“Marami tayong kaibigang magkabila eh, ‘di ba? Kaya nga naging independent, at hindi ko gusto yung birada kung minsan. Nasasaktan ako sa magkabilang birahan,” saad ni Marcos.
Matatandaang sa isang proclamation rally ng Alyansa kamakailan, iginiit ni PBBM na wala raw sa 12 senatorial candidates na kaniyang iniendorso ang nasangkot sa ilegal na giyera kontra droga o Oplan Tokhang at maging sa korapsyon noong Covid-19 pandemic.
MAKI-BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'
Pagkatapos nito, muli namang tinawag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si PBBM na “bangag.”
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, muling tinawag na ‘bangag’ si PBBM: ‘Maging ul*l si Marcos…’