Public apology ang demand ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas mula sa kay singer at senatorial aspirant Atty. Jimmy Bondoc matapos mariing kondenahin ng una ang umano'y misogynistic remarks ng kandidato kay TV5 news anchor Gretchen Ho.
Noong Lunes, Pebrero 17, ay sumalang si Bondoc sa "Morning Matters with Gretchen Ho" para magpakilatis bilang tumatakbo sa pagkasenador.
Nauntag ni Ho si Bondoc kung ano ang masasabi niya patungkol sa mga isyung kinahaharap ng isa pang senatorial candidate na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder-leader Pastor Apollo Quiboloy, na tinawag namang "face of injustice" ni Bondoc.
"To quickly settle the issue... Ayaw kitang kaaway, masyado kang maganda eh. Let the courts decide. Although I hope they will set bail soon kasi bailable naman 'yong most of the cases na na na-file against him," anang Bondoc.
Agad namang nagpakawala ng Facebook post si Brosas upang palagan ang naging mga pahayag ng abogado-singer.
"Mariing kong kinokondena si senatorial candidate Jimmy Bondoc sa kanyang misogynistic remarks kay TV reporter Gretchen Ho, matapos siyang matanong tungkol sa kanyang naging pahayag kung saan tinawag niyang 'face of injustice' si Pastor Apollo Quiboloy," mababasa sa Facebook post ni Brosas.
"Hindi na nakakagulat ang kabastusan ni Bondoc dahil nagmula siya sa partido ni Duterte, na kilalang-kilala sa pambabastos sa kababaihan. Kapag naiipit sa usapan, idinadaan sa sexist na biro para makalusot at gawing katawa-tawa ang seryosong pagtatanong ng media. Hindi ito dapat palampasin!"
"Walang puwang sa Senado ang ganitong asal. Kung ang isang kandidato sa pagka-senador ay hindi kayang magbigay ng respeto sa kababaihan, hindi siya karapat-dapat maglingkod sa bayan. Panahon na para magkaroon tayo ng mas mataas na pamantayan sa pagiging lider—at isa rito ang pagpapakita ng respeto at pagpapahalaga sa kababaihan at mga bata."
"We demand a public apology from Jimmy Bondoc. Kung hindi niya kayang igalang ang kababaihan, paano niya magagampanan ang tungkulin bilang mambabatas? Let me be the one to say this—those who cannot respect women have no business seeking public office," aniya pa.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag patungkol dito si Bondoc. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.
MAKI-BALITA: Arlene Brosas, kinondena umano'y 'misogynistic remarks' ni Jimmy Bondoc kay Gretchen Ho