Isang police auxiliary ang pinaiimbestigahan matapos umano nitong sikmuraan ang suspek na nakaposas matapos umanong magnakaw sa Davao City.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News kamakailan, aminado ang naturang pulis sa naging pananakit niya sa suspek at dumipensang nauna raw siya nitong suntukin.
"Pagkahawak ko sa kaniya, pagkaharap niya sa akin, sinuntok niya ako sa may pisngi, nakaiwas ako. Lumapit ako sa kaniya, sabi ko 'Bakit mo ako sinuntok?' Sinagot ako nang pabiro. Tumawa lahat ng nakapalibot sa akin. Nainsulto rin ako. Sa galit ko, nasuntok ko siya,” anang police auxiliary.
Nasakote ng pulisya ang suspek na nagnakaw umano sa labas ng isang ospital.
Samantala, humingi na ng tawad ang naturang pulis na kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad. Damay rin sa imbestigasyon ng pulisya ang dalawa pang pulis na saksi sa naging pananakit sa suspek ngunit hindi raw umawat ang mga ito.